Showing posts with label Sanaysay. Show all posts
Showing posts with label Sanaysay. Show all posts

Monday, September 23, 2013

Pasasalamat, Pagpapatawad at Pangako ni Bunso Para sa Pamilya

Mahal Kong Mga Kapamilya,

Gusto kong simulan ang sulat na ito sa isang pagbati!

Bago ko simulan ang nasabing liham, nais ko munang sabihin na gusto ko lamang iparating ang aking mga nararamdaman. Sana wag kayong malungkot, magalit o masaktan kung may masasabi man ako na di nyo magugustuhan. Gayunman, nagsasabi lang ako ng katotohanan na maaaring magpapangiti sa inyo, ikakatuwa ninyo dahil gusto kong iparating ang aking saloobin. Ngunit sa madaling salita, isa itong liham na kung saan lahat ng mga gusto kong sabihin na matagal ko nang gustong ipahayag sa inyo. 

Una kong gustong kausapin si Mama. Laging nagluluto, laging naglalaba, laging naglilinis at nangunguna pag general cleaning sa bahay. Siya din ang tagahanda ng baon ko, taga-budget ng pera at higit sa lahat, ang umuunawa sa akin pag may problema ako. Minsan, nagtatalo kami at nag-aaway na humantong din sa pagtulo ng aming mga luha ngunit nagkakaayos din kami. Gusto ko lamang sabihin sa inyo na maraming salamat dahil sa kabayanihan na ginagawa mo sa aming pagmamalasakit at pang-unawa. Natutunan ko sa iyo ang pagiging maaalalahanin kung saan nadala ko ang ganitong ugali sa aking mga kaibigan at ang pag-intindi sa nararamdaman ng iba lalo na sa mga mahihirap na sitwasyon. Higit sa lahat, naging masipag ako sa pag-aaral dahil iyan ang pangako ko sa inyo na makapagtapos at makahanap ng marangal na trabaho.

Sunod kong kakausapin si Papa. Nakakainis kahit minsan nakikita kitang umiinom ng alak kasama ang mga kumpare mo at minsan umuuwi ka na lang at matutulog dahil pagod sa trabaho o kaya galing sa inuman. Papa, kahit ako ang exact opposite mo dahil inaasahan kasi nila na marunong din ako sa mga gawain sa talyer at nakikisali sa inuman, hanga po ako sa inyo. Ang galing nyo po kasi magmaneho, magaling sa pag-welding at pagbubuhat ng mga mabibigat na bakal at kahoy. Kahit di ko man natutuhan iyon sa inyo, nakuha ko naman sa inyo ang pagkakaroon ng respeto sa kapwa, pagiging matiyaga at ang pagpapahalaga sa pag-aaral kaya siguro nasabi na matalino daw ako at para sa akin namana ko iyon sa iyo. Kaya ngayon, naging guro ako dahil gusto kong ibahagi ang aking kaalaman. Kaya Papa, ang galing mo at hanga ako sa inyong sipag at talino.

Sa aking mga ate, may mga panahon na di ko kayo nakakausap dahil abala na rin ako sa aking trabaho. Alam  ko na malayo ang agwat ng edad ko sa inyo, ilang taon kayo magkakasunod na ipinanganak at alam ko na ako ang nag-iisang lalake kaya minsan feeling ko di dapat ako kasali sa usapan dahil girls talk lang ito. Sorry din sa mga panahon na inaway ko kayo dahil may mga bagay na di tayo mapagkasunduan na nagiging dahilan kung bakit may sarili akong mundo. Sorry din kung di ako sumama sa inyo pag tayo ay kakain sa labas dahil madalas conflict ang ating mga schedule. Kaya minsan may mga pagkakataon na gusto ko kayo makasama kaya lang busy kayo na nagiging dahilan ay mas nakikibonding na lang ako sa mga kaibigan ko sa labas ng bahay o nasa tapat na lang ako ng computer. Kahit ganun pa man, may mga bagay na dapat akong ipagpasalamat sa inyo dahil kayo ang nagbibigay ng mga pangangailangan ko. Kayo ang nagregalo ng cellphone, bumili ng laptop ko para maipakita yun bunga ng aking unang sweldo sa trabaho, at sinuportahan nyo ang aking pag-aaral lalo na sa kolehiyo. Kaya ngayon natutuhan ko ang pagiging mapagbigay sa kapwa. Pag wala sina Mama at Papa, tayo ay nagkakaisa para matapos yun mga gawaing bahay. Kayo din naman ang umuunawa sa akin pag may problema ako kasama nina Mama at Papa. 

Sa aking mga tita at tito at mga lolo at lola, isama ko na rin kayo mga pinsan at pamangkin kayo din ang gumabay sa akin. Kahit paminsan-minsan lang tayo magkita, marami din akong napulot na aral sa inyo. Ilan sa mga aral na nakuha ko sa inyo ang pagiging mapagpasensya at pag may problema, tawanan lang ito at wag nang pansinin.  Nakakatuwa din isipin na natutuwa kayo sa akin dahil sinasabi nyo nun sanggol pa lamang ako, napaka-cute ko. Salamat dahil natutuwa din kayo sa tuwng tinatanong nyo ako tungkol sa mga trivia at nakakasagot ako at salamat din kasi nakikita nyo ang aking pagpapahalaga sa pag-aaral at ang pagsusumikap ko na makamit ang aking mga mithiin sa buhay.

Nais ko lamang sabihin sa inyo na bilang bunso sa pamilya, pasensya na kung minsan matigas ang ulo ko. Laging iniisip ko na lagi akong kawawa sa magkakapatid kaya minsan napapasama din ang mga ate ko. Nais ko lamang sabihin na kahit minsan, lahat tayo nagkakamali at lahat tayo ay tama. May panahon para magbigayan at may panahon para magkaunawaan. Minsan kasi parang ayaw natin magpatalo na nagiging dahilan ng mas maraming pagkakamali. Kaya minsan, may sarili akong mundo at nagtatampo. Nauunawaan ko kayo dahil mataas ang pagrespeto ko sa inyo at higit sa lahat, mahal na mahal ko kayo. 

Pasensya na rin kina Mama at Papa kasi minsan matigas ang ulo ko lalo na ngayong nasa legal na edad na ako. Lagi akong umuuwi ng gabi pagkagaling sa trabaho dahil maraming tinapos na gawain o ginagabi dahil traffic sa biyahe. Minsan natakas na lang po ako ng bahay nang walang paalam dahil di ko gusto ang ulam sa bahay.  Minsan nakikipagtalo ako lalo na sa usapan sa budget dala ng maraming gastos. Mama, Papa, kahit ganun po, di ko pa rin binabago ang ideya na ang pagtatrabaho ko ay para din sa ating pamilya at para din sa ikauunlad ng aking sarili. 

Isang bagay lang ang aking napagtanto. Sa pagbuklat ko ng aking photo album, nakita ko ang mga larawang kupas na nakita ko si Mama, kinakarga pa ako noong bata pa ako kasama pa sina Ate na maliliit pa sila. Sayang kakaunti lang ang pictures ko na kasama si Papa ngunit nakita ko ang mga larawan nya na nagtatrabaho sa Middle East lalo na yun may kasama siyang camel. Nakita ko mga litrato nina Ate noong nag-aaral pa sila ng high school at kolehiyo kasama ang kanilang mga kaibigan. Kahit ang mga pictures sa Facebook na sila magkakasama sila at sayang namiss ko ang moments na iyon. Inaalala ko rin ang mga litrato na magkakasama kaming nag-out of town at natuklasan ang ganda ng Pilipinas. Higit sa lahat, nakita din naman nila ang mga pictures ko mula noong sanggol pa lamang ako, hanggang sa ako'y nag-aral at nagkaroon ng marangal na trabaho. Iisa lamang ang aming mga reaksyon kahit di ko man ito makita o mapansin sa kanila: kami-kami pa rin ang magiging magkakampi sa lahat ng oras.

Sa pagtatapos ng liham na ito, ipapangako ko na ipapakita ko ang pagmamahal ko sa kanila sa pamamagitan ng isang sulat. Pangako ko na may mga panahon na nagkakamali tayo ngunit di na kailangang palakihin pa ang gulo gaya ng ginagawa ko dati. Maipapangako ko na kapag hindi na busy, may oras para makipagkuwentuhan at higit sa lahat, sasabihin ko sa kanila na kailangan naming magkaisa at mag-unawaan para maayos ang problema. Iiwasan ko na rin ang pagiging makasarili ko. Di na kailangang magpataasan at kailangan natin ay magpakumbaba. Ipakita natin ang pagmamahalan sa bawat isa sa atin. Wag kayo mag-alala, okay na okay ako at matibay sa mga problema sa buhay at alam ko na ang gagawing solusyon sa mga hamon ng buhay.  Dahil dyan, dahil sa marangal na pagpapalaki nyo sa akin, isa akong mabuting tao dahil sa inyo. Maraming salamat sa inyo! 

Lubos na gumagalang,
Bunso

_

Ang akdang ito ay lahok at pakikiisa sa taunang Saranggola Blog Awards.


sa pakikipagtulungan ng




Saturday, October 13, 2012

Ako si Jonathan, Laking Cavite

Kapag narinig o nakita ng mga tao ang bayan ng Cavite, ilan sa mga bagay na pumapasok sa isipan nila ay mga Kabitenyo ay matatapang at palaban, tahanan ito ng mga lugar na dinarayo ng mga turista at isa sa mga pinakamauunlad na probinsya sa Pilipinas.

Tumira kami sa Cavite mula noong dekada '80, panahon ng EDSA Revolution. Kakaunti pa lamang ang mga tao noon sa lugar kung saan ako nakatira ngayon at di pa ako ipinapanganak. Tubong Bicol ang aking mga magulang at ako ay isinilang sa Cavite. Ito ang lugar ng aking pinagmulan at marami akong mga bagay na aking ipagmamalaki para sa bayan ng Cavite.

Ipinanganak ako sa Silang. Ito ang itinuturing na pinakamalaking bayan sa Cavite. Maraming mga sakahan at mga pabrika ang matatagpuan sa lugar na ito. Naging espesyal ang lugar na ito dahil dito ako unang nagkaroon ng kaaalaman at kamalayan sa mga bagay-bagay tungkol sa buhay. Lumaki ako sa isang maliit ngunit mataong barangay sa bayan na ito. Ang barangay na ito ang naging saksi ng aking tagumpay na nakapagtapos ako ng pag-aaral at nagkaroon ng magandang trabaho. Ang barangay na ito ay malapit sa mga malls, mga sikat na unibersidad at paaralan, at isang sakayan lang ng jeep mararating mo na ang mga mauunlad na bayan ng General Mariano Alvarez, Carmona, Dasmarinas, General Trias at Tagaytay sa Cavite gayundin naman ang mga bayan ng Santa Rosa at Binan sa Laguna. May sakayan na rin ng jeep patungong Alabang na bahagi ng Muntinlupa. Dito din sa bayan na ito ako nagsisimulang bumiyahe patungo sa lugar na aking pupuntahan. Noong nalibot ko ang probinsya, masasabi kong nangibabaw ang urbanisasyon dahil sa dami ng populasyon, mga gusali, mga sasakyan at kahit ang pag-uugali ng mga tao. Ngunit may ibang bahagi pa rin ng Cavite na masasabing rural dahil sa simpleng pamumuhay ng mga tao at ang malinis na kapaligiran na laging kasama ng kasaganahan sa likas na yaman.


Ang ipinagmamalaking lungsod sa aming lalawigan ay ang Tagaytay. Bata pa lamang ako, lagi naming pinupuntahan ng aming pamilya kahit ng aking mga kaibigan ang Tagaytay. Itinuturing itong "Second Summer Capital of the Philippines" dahil matatagpuan ito sa mataas na bahagi ng Cavite. Malamig sa lugar na ito kaya masarap magbakasyon lalo na tuwing tag-init at matatanaw dito ang Bulkang Taal, ang pinakamaliit na bulkan sa buong mundo na nasa gitna ng Lawa ng Taal. Dito matatagpuan ang Picnic Grove kung saan puwede kang tumambay sa mga cottages, sumakay sa kabayo at maranasan ang zipline. Narating ko na rin ang People's Park in the Sky (mas kilala sa tawag na Palace in the Sky) na matatagpuan sa pinakamataas na bahagi ng Tagaytay at sulit ang biyahe sa kabila ng maraming zigzag, dahil sa ganda ng pasyalan at mga parke sa lugar na ito. Nais ko ring puntahan ang Tagaytay Highlands kapag ako ay nagkapera na. Ang Tagaytay din ay tahanan din ng ilang seminaryo at kumbento tulad ng Pink Sisters Chapel at kung mahilig ka naman sa food trip, dito matatagpuan ang ilan sa mga restaurants tulad ng Mushroom Burger.


Maraming nagsasabi na ang Cavite ay ang lupain ng mga magigiting, kaya ang lalawigan ay nagkaroon ng lugar sa kasaysayan ng Pilipinas. Matatagpuan dito ang ilan sa mga lumang simbahan na matatagpuan sa Silang, Maragondon, Naic at Bacoor na ipinatayo pa noong panahon ng Espanyol. Naging kuta ng mga sundalong Pilipino ang Fort San Felipe na matatagpuan sa Cavite City. Dito matatagpuan ang ilan sa mga bahay na naging saksi ng kasaysayan tulad ng paglilitis kay Andres Bonifacio sa Maragondon at ang pagtatatag ng pamahalaang rebolusyonaryo sa Bacoor. Higit sa lahat, dito idineklara ang kalayaan ng ating bansa mula sa mga Espanyol noong Hunyo 12, 1898, sa tahanan ni Emilio Aguinaldo na matatagpuan sa Kawit. Bahagi din ng Cavite ang islang kilala sa tawag na "The Rock", ang Corregidor. Tatlong kilometro ang layo nito mula sa Bataan at sampung kilometro naman mula sa Cavite. Dito matatagpuan ang ilan sa mga labi ng mga gusali na nasira noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang islang ito ay naging saksi ng kasaysayan.

Dito rin sa Cavite puwede ka mag-foodtrip. Pagkagaling ng Maynila at dumaan ka sa Bacoor, matitikman mo ang malamig at malinamnam na Digman Halo-halo. Kapag dumako ka sa kalagitnaan ng Cavite, namnamin mo ang mainit na kape ng Amadeo. Matitikman mo rin ang masarap na buko pie at panutsa ng Tagaytay. Marami ka ring makukuhang mga sariwang gulay at prutas mula sa mga taniman at sakahan ng Silang at Tagaytay.

Ang Cavite ay bayan din kung saan nagmula ang iba't-ibang mga bayani tulad mula kay Emilio Aguinaldo na naging unang pangulo ng Pilipinas at nakipaglaban sa rebolusyon hanggang kay Efren Penaflorida na nagwagi sa CNN Hero of the Year Award 2009 dahil sa iskuwelahan na nasa kariton para maibahagi ang kaalaman sa mga kabataang di nag-aaral. Tahanan din ito ng mga sikat na personalidad tulad nina Roxanne Guinoo, Kaye Abad, Xian Lim, Marian Rivera, Lani Mercado, Jolo Revilla at Bong Revilla.

Marami din akong nakilala sa Cavite mula sa mga kaklase, guro, kasamahan sa trabaho, at mga kaibigan na nagkaroon kami ng pagkakatulad na pagiging masipag, matulungin at magalang na likas na sa mga taga-Cavite. Kaya maraming nagsasabi na ang Cavite ay umuunlad dahil sa pagiging matiyaga, tapat at pagkakaroon ng bukas na kaisipan ng mga Kabitenyo.

Sa kasalukuyan dito pa rin ako nakatira sa Cavite. Mas maraming tao ngayon kaysa noong kabataan ko. Mas maunlad na at puwede nang isabay sa Maynila pagdating sa kaunlaran. Mas maraming mga bahay at mga gusali tulad ng pabrika, unibersidad at commercial establishments kaysa dati. Noon, maraming mga puno at malinis ang ilog ngunit hanggang ngayon, sagana pa rin sa likas na yaman ang aming bayan. Ang mga lugar na dinarayo ng mga turista nananatili pa rin sa natural na kagandahan nito.

Sa madaling salita, ang Cavite ay isang maunlad na lugar na naging sandigan ang kasaysayan, ang lupain ng mga masisipag at magigiting na tao, at isang lugar na dinadayo ng mga turista dahil sa likas na yaman at ang kasaganahan nito sa kultura, kasaysayan at tradisyon. Isa akong Kabitenyo. Pinagmamalaki ko ito ng buong  puso.

Ito ang isa sa mga kalahok sa Saranggola Blog Awards sa kategorya ng Blog / Freestyle o Sanaysay.

Ang Saranggola Blog Awards 2012






© 2011 No copyright infringement intended. All rights reserved.