Saturday, October 13, 2012

Ako si Jonathan, Laking Cavite

Kapag narinig o nakita ng mga tao ang bayan ng Cavite, ilan sa mga bagay na pumapasok sa isipan nila ay mga Kabitenyo ay matatapang at palaban, tahanan ito ng mga lugar na dinarayo ng mga turista at isa sa mga pinakamauunlad na probinsya sa Pilipinas.

Tumira kami sa Cavite mula noong dekada '80, panahon ng EDSA Revolution. Kakaunti pa lamang ang mga tao noon sa lugar kung saan ako nakatira ngayon at di pa ako ipinapanganak. Tubong Bicol ang aking mga magulang at ako ay isinilang sa Cavite. Ito ang lugar ng aking pinagmulan at marami akong mga bagay na aking ipagmamalaki para sa bayan ng Cavite.

Ipinanganak ako sa Silang. Ito ang itinuturing na pinakamalaking bayan sa Cavite. Maraming mga sakahan at mga pabrika ang matatagpuan sa lugar na ito. Naging espesyal ang lugar na ito dahil dito ako unang nagkaroon ng kaaalaman at kamalayan sa mga bagay-bagay tungkol sa buhay. Lumaki ako sa isang maliit ngunit mataong barangay sa bayan na ito. Ang barangay na ito ang naging saksi ng aking tagumpay na nakapagtapos ako ng pag-aaral at nagkaroon ng magandang trabaho. Ang barangay na ito ay malapit sa mga malls, mga sikat na unibersidad at paaralan, at isang sakayan lang ng jeep mararating mo na ang mga mauunlad na bayan ng General Mariano Alvarez, Carmona, Dasmarinas, General Trias at Tagaytay sa Cavite gayundin naman ang mga bayan ng Santa Rosa at Binan sa Laguna. May sakayan na rin ng jeep patungong Alabang na bahagi ng Muntinlupa. Dito din sa bayan na ito ako nagsisimulang bumiyahe patungo sa lugar na aking pupuntahan. Noong nalibot ko ang probinsya, masasabi kong nangibabaw ang urbanisasyon dahil sa dami ng populasyon, mga gusali, mga sasakyan at kahit ang pag-uugali ng mga tao. Ngunit may ibang bahagi pa rin ng Cavite na masasabing rural dahil sa simpleng pamumuhay ng mga tao at ang malinis na kapaligiran na laging kasama ng kasaganahan sa likas na yaman.


Ang ipinagmamalaking lungsod sa aming lalawigan ay ang Tagaytay. Bata pa lamang ako, lagi naming pinupuntahan ng aming pamilya kahit ng aking mga kaibigan ang Tagaytay. Itinuturing itong "Second Summer Capital of the Philippines" dahil matatagpuan ito sa mataas na bahagi ng Cavite. Malamig sa lugar na ito kaya masarap magbakasyon lalo na tuwing tag-init at matatanaw dito ang Bulkang Taal, ang pinakamaliit na bulkan sa buong mundo na nasa gitna ng Lawa ng Taal. Dito matatagpuan ang Picnic Grove kung saan puwede kang tumambay sa mga cottages, sumakay sa kabayo at maranasan ang zipline. Narating ko na rin ang People's Park in the Sky (mas kilala sa tawag na Palace in the Sky) na matatagpuan sa pinakamataas na bahagi ng Tagaytay at sulit ang biyahe sa kabila ng maraming zigzag, dahil sa ganda ng pasyalan at mga parke sa lugar na ito. Nais ko ring puntahan ang Tagaytay Highlands kapag ako ay nagkapera na. Ang Tagaytay din ay tahanan din ng ilang seminaryo at kumbento tulad ng Pink Sisters Chapel at kung mahilig ka naman sa food trip, dito matatagpuan ang ilan sa mga restaurants tulad ng Mushroom Burger.


Maraming nagsasabi na ang Cavite ay ang lupain ng mga magigiting, kaya ang lalawigan ay nagkaroon ng lugar sa kasaysayan ng Pilipinas. Matatagpuan dito ang ilan sa mga lumang simbahan na matatagpuan sa Silang, Maragondon, Naic at Bacoor na ipinatayo pa noong panahon ng Espanyol. Naging kuta ng mga sundalong Pilipino ang Fort San Felipe na matatagpuan sa Cavite City. Dito matatagpuan ang ilan sa mga bahay na naging saksi ng kasaysayan tulad ng paglilitis kay Andres Bonifacio sa Maragondon at ang pagtatatag ng pamahalaang rebolusyonaryo sa Bacoor. Higit sa lahat, dito idineklara ang kalayaan ng ating bansa mula sa mga Espanyol noong Hunyo 12, 1898, sa tahanan ni Emilio Aguinaldo na matatagpuan sa Kawit. Bahagi din ng Cavite ang islang kilala sa tawag na "The Rock", ang Corregidor. Tatlong kilometro ang layo nito mula sa Bataan at sampung kilometro naman mula sa Cavite. Dito matatagpuan ang ilan sa mga labi ng mga gusali na nasira noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang islang ito ay naging saksi ng kasaysayan.

Dito rin sa Cavite puwede ka mag-foodtrip. Pagkagaling ng Maynila at dumaan ka sa Bacoor, matitikman mo ang malamig at malinamnam na Digman Halo-halo. Kapag dumako ka sa kalagitnaan ng Cavite, namnamin mo ang mainit na kape ng Amadeo. Matitikman mo rin ang masarap na buko pie at panutsa ng Tagaytay. Marami ka ring makukuhang mga sariwang gulay at prutas mula sa mga taniman at sakahan ng Silang at Tagaytay.

Ang Cavite ay bayan din kung saan nagmula ang iba't-ibang mga bayani tulad mula kay Emilio Aguinaldo na naging unang pangulo ng Pilipinas at nakipaglaban sa rebolusyon hanggang kay Efren Penaflorida na nagwagi sa CNN Hero of the Year Award 2009 dahil sa iskuwelahan na nasa kariton para maibahagi ang kaalaman sa mga kabataang di nag-aaral. Tahanan din ito ng mga sikat na personalidad tulad nina Roxanne Guinoo, Kaye Abad, Xian Lim, Marian Rivera, Lani Mercado, Jolo Revilla at Bong Revilla.

Marami din akong nakilala sa Cavite mula sa mga kaklase, guro, kasamahan sa trabaho, at mga kaibigan na nagkaroon kami ng pagkakatulad na pagiging masipag, matulungin at magalang na likas na sa mga taga-Cavite. Kaya maraming nagsasabi na ang Cavite ay umuunlad dahil sa pagiging matiyaga, tapat at pagkakaroon ng bukas na kaisipan ng mga Kabitenyo.

Sa kasalukuyan dito pa rin ako nakatira sa Cavite. Mas maraming tao ngayon kaysa noong kabataan ko. Mas maunlad na at puwede nang isabay sa Maynila pagdating sa kaunlaran. Mas maraming mga bahay at mga gusali tulad ng pabrika, unibersidad at commercial establishments kaysa dati. Noon, maraming mga puno at malinis ang ilog ngunit hanggang ngayon, sagana pa rin sa likas na yaman ang aming bayan. Ang mga lugar na dinarayo ng mga turista nananatili pa rin sa natural na kagandahan nito.

Sa madaling salita, ang Cavite ay isang maunlad na lugar na naging sandigan ang kasaysayan, ang lupain ng mga masisipag at magigiting na tao, at isang lugar na dinadayo ng mga turista dahil sa likas na yaman at ang kasaganahan nito sa kultura, kasaysayan at tradisyon. Isa akong Kabitenyo. Pinagmamalaki ko ito ng buong  puso.

Ito ang isa sa mga kalahok sa Saranggola Blog Awards sa kategorya ng Blog / Freestyle o Sanaysay.

Ang Saranggola Blog Awards 2012






2 comments:

saranggola said...

pakilagay ang mga badge ng sponsor at kani-kanilang link.
http://www.saranggolablogawards.com/p/sponsor.html

i email mo rin iyong lahok sa email ng SBA ; saranggolablogawards@gmail.com

saranggola said...

pakilagay ang mga badge ng sponsor at kani-kanilang link.
http://www.saranggolablogawards.com/p/sponsor.html

i email mo rin iyong lahok sa email ng SBA ; saranggolablogawards@gmail.com

© 2011 No copyright infringement intended. All rights reserved.