Wednesday, November 2, 2011

Ang Aking Hilig sa Larangan ng Pagsusulat: Isang Pagsisimula

Bawat tao sa mundo ay may kanya-kanyang talento at kakayahan na ipinagkaloob ng Diyos. Ang Pilipinas ay isang bansa na sinasabing naghihirap nga ngunit ang bawat mamamayan nito ay pinagkalooban ng talento sa iba't-ibang larangan. At ako ay isang Pinoy na ipinanganak sa Cavite, isang lalawigan sa Pilipinas sa rehiyon ng Luzon na may sariling kakayahan.

Ako ay isang tao na sadyang malikot ang aking imahinasyon at maraming mga ideya na tumatakbo sa aking kaisipan. Mahilig akong magbasa. Mahilig akong mag-aral. Mahilig akong magbahagi ng aking kaalaman sa pamamagitan ng pagtuturo. Madaldal. Maraming kuwento. At higit sa lahat, pag ako ay tahimik, ang mga sankaterbang kuwento at ideyang dumadaloy sa aking isipan ay idinadaan ko (minsan kausap ang aking sarili) sa pagsusulat.

Hindi ako ang tipo ng taong makuwento ngunit kapag may mga taong madaldal sa aking paligid na mahuhusay magkuwento ng isang bahagi ng kanilang karanasan, nais kong magkuwento. Ngunit may mga ibang tao na di mo puwedeng makumbinsi na pakinggan ka dahil iba ang kanilang interes. Dinadaan ko na lang sa pagsusulat.


****
Mahilig kasi akong magsulat. Kung anong naiisip ko na pawang nakakatuwa sa aking imahinasyon eh isinusulat ko. Mahilig ako sa ballpen at papel. Mahilig din akong magmasid sa paligid, minsan sumulat sa diary, manood ng TV, magbasa ng libro at mag-internet kung saan ako nakakakuha ng inspirasyon sa pagsusulat.

Noong bata pa ako, ang aking mga paboritong libro ay fairy tales, Araling Panlipunan, at mga libro sa paaralan. Ngayon, hilig kong basahin ang mga libro ni Bob Ong (ABNKKBSNPLAko?, Bakit Baligtad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino, Stainless Longganisa), Alex Lacson (12 Little Things That Every Filipino Can Do To Help Our Country), Kokology ni Prof. Isamu Saito at mga inspirational na libro.

Mahilig ako sa pulitika, TV shows, feature articles at mga personal essays. Hilig ko ang pagsusulat ng sanaysay, hindi ako mahilig sa tula ngunit gusto kong matuto ang pagsusulat ng maiking kuwento at dula.

Nakakapagsulat ako kapag may tumatakbong kakaibang ideya sa aking isipan na makakakuha ng interes ng ibang tao at nais kong ibahagi sa madla. Isinusulat ko muna ito sa papel at ililipat sa computer sabay type, edit at print. Kapag naprint, ipapabasa sa ibang tao. At itatago sa aking folder. Yan ang nakagisnan kong mga bagay at sikreto sa pagsusulat.
****
Hindi ko akalain na sa pagsusulat ako makakakuha ng mga papuri at parangal ng ibang tao. Nagsimula ito noong Grade 6 sa isang tipikal na klase, last section. Naghahanap ang aming guro ng pambato ng aming section sa Nutrition Day Essay Writing Contest, dalawa sa aking kaklase ang nagsasabi na ako raw ang isali. Wala akong idea kung ano ang "essay" hanggang sa pumayag ako kahit hindi ko iyon alam. (Alam ko lamang noon ay talata o paragraph) Noong sumalang na ako, doon ko nalaman na ang essay ay isang sanaysay o isang sulatin na pinagsama-sama ang mga grupo ng talata na may iisang diwa mula sa paksang hinihingi. Sumulat na lang ako ng sumulat kung ano ang hinihinging paksa. Ibinahagi ang aking nalalaman tungkol sa nutrisyon, masustansyang pagkain at pagpapanatili ng malusog na pamumuhay. Hanggang sa di ko akalain na makukuha ko ang ikatlong puwesto sa nasabing patimpalak.

Noong high school ako, ipinagpatuloy ko pa rin ang pagkamit ng pangarap. Ngunit hindi sa pagsusulat. Pansamantalang naudlot. Ngunit may mga gawain pa rin sa pagsusulat sa mga subjects namin. Ang aking kaibigan ay sinubukan naman naming gumawa ng mga kuwento. Ngunit libangan lang namin iyon. Nakasali din naman ako sa Spelling Bee at umabot naman ako sa school level bilang pambato ng second year high school at natuklasan ko ang kakayahan na makapagpantig ng mga salita sa Ingles. Noong fourth year high school ako, ang aking mga kaibigan ay gustong sumali sa staff ng aming school paper, nagpasa ng entry ngunit di kami pinalad. Kahit ganun pa man, naudlot ang aking hilig sa pagsusulat.

Noong dumating na ako sa kolehiyo, muling nabuhay ang aking interes sa pagsusulat. Noong first year college ako, Linggo ng Wika, ang patimpalak noon ay Pagsulat ng Sanaysay. Isinulat ko ang aking mga ideya at nalalaman tungkol sa wika, kung paano nabuo ang wikang Pilipino at paano natin ito ginagamit sa araw-araw na pamumuhay at ang salamin nito sa ating kultura. Muli akong nabuhayan ng lakas ng loob dahil doon ko nakamit ang aking unang medal kung saan nakuha ko ang ikalawang puwesto sa pagsulat ng sanaysay. Noong third year college naman ako, sumali ako sa campus paper at gumawa ng mga articles. Ngunit di nailimbag ang aming article dahil kulang sa pondo. At noong college ako unang nahumaling sa blogging. Gusto kong magpahayag ng saloobin. Ngunit mahirap talagang kumbinsihin ang mga tao (You cannot please everybody ayon sa kasabihan).

Noong panahon na wala akong trabaho, ako ay nasa bahay lamang at ibinubuhos ang oras sa harap ng computer. Hanggang sa nahumaling ako sa Facebook notes at Blogspot. Isinulat ko ang ilan sa mga sanaysay tungkol sa mga ekstraordinaryong pakikipagkaibigan sa mga produkto ng reality search kahit sa isang pulitiko at ang aking pananaw tungkol sa napapanahong isyu. Ang hindi ko talaga malilimutan ay ang pagsali sa Online Writing Contest noong nakaraang taon. Ang tema ay tungkol sa Pilipinas at pagiging Pilipino tulad ng kultura, mga pagkain, mga magagandang lugar at mga kaugaliang Pinoy. At naisulat kong sanaysay ay tungkol sa pagkaing Pinoy tuwing tag-araw ("Cool Pinoy Delicacies On Hot Summer"). Nai-publish ko siya sa OfficiallyPhilippines website kung saan ginanap ang patimpalak, sa Facebook account ko at sa Blogspot. Kailangan din ng online votes. At buong Pilipinas pala ang labanan nito. Ngunit hindi ako pinalad na manalo at kahit ganoon pa man, tuloy pa rin ang pagkamit sa pangarap.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin akong nagsusulat. Sa tulong ng papel, ballpen, computer at website. Manalo man o matalo, tuloy pa rin ang pagkamit sa pangarap. Hindi pa naman ako kilalang manunulat. Isa pa lamang akong nagsisimula sa larangan na ito. Kahit nagsisimula pa lang, pursigido na akong abutin ang panagrap na ito. Ginagawa ko ito sa mga taong sumusuporta at naniniwala sa kakayahan ko. Kaya salamat sa mga sumusporta sa aking pagsusulat, dahil sa inyo hindi ko ito maisusulat kung wala kayo. Higit sa lahat kay Lord salamat din po dahil gagamitin ko ang talentong ito para sa ikabubuti ng ibang tao. Ito pa lamang ang simula.

No comments:

© 2011 No copyright infringement intended. All rights reserved.