"Pag may natanggap ka na Facebook invite para sa isang event, mag-reply lang ng MAYBE. Para pilitin kang mag-attend ng event nila, kahit alam nilang baka hindi ka pumunta." - Suplado Tip 44
Natanggap ko ang event invitation na ito para sa book launch ng Suplado Tips ng napakakisig at nakakatawang manunulat na si Stanley Chi. Gusto ko sana pumunta ngayong araw na ito subalit wala akong pera pamasahe (dahil ako ay galing pa mula sa Cavite) ngunit ako ay bumili sa National Bookstore sa isang branch ng malaking mall sa Dasmarinas, Cavite.
Noong nagtanong ako sa saleslady kung saan ang Suplado Tips buti nahanap nila ito kaagad at kinantiyawan pa ako na "Uy si Sir gustong maging suplado!" Sinagot ko naman "Hindi naman po sa ganun kasi gusto ko lang mabasa yun libro ng Facebook idol ko na si Stanley Chi." At noong napunta na ako sa cashier para bayaran ang nabili kong libro, napatingin sa akin at parang di makapaniwala ang kahera sa napili kong libro (dahil pakiramdam nila di ako ang tipo na bibili ng ganung libro dahil sa kabaitan ng aking mukha at kilos).
Libro ng Suplado Tips |
Noong nasimulan kong basahin ang librong ito, may mga parte na nakakainis kasi nakakabastos ngunit mas marami dito ang nakakatawa at gusto kong gawin sa tunay na buhay. Ang ilan sa mga sitwasyon dito ay katotohanan na ginawa ko na rin at ginawa na din sa akin at sa ibang tao. Sinagutan ko rin ang Suplado Quiz kung saan nakakuha ako ng 35 (Suplado ka nga pero kulang pa!) na sa madaling salita ay tunay akong mabait at minsan lang magsuplado at magtaray. Ang librong ito ay binubuo ng 10 Supladong Hirit at 100 Suplado Tips.
Ito ang ilan sa mga quotable quotes at suplado tips na natutunan ko at pwede kong magamit sa araw-araw o natamaan ako:
- Hindi ako SUPLADO, mahiyain lang ako!
- Kung alam na ng lahat na may bagyo at biglang may nagtanong sayo ng "May bagyo ba?" hiritan mo ng "Itanong mo sa PAG-ASA!"
- Kung sinabihan ka ng kakilala mo na "Ang suplado mo naman!" hiritan mo ng "Sige bigyan mo ako ng rason para hindi kita supladuhan! sabay walk out para hindi na siya makahirit ulit!
- Kung ayaw mong mabasted ng babae huwag kang manligaw!
- Kung hina-hassle ka ng isang tao, sungitan mo siya para makahanap ng katapat niya!
- Kung nakikinig ka ng radyo at biglang nakikisabay sa pagkanta yung kasama mo, hiritan mo ng "Nakikinig ako ng radyo para marinig yung boses ng singer at hindi yung boses mo!"
- May mga taong puro sarili lang niya ang gusto niyang pag-usapan o kaya naman pag nagkukuwentuhan gusto niyang siya lagi ang bida, kailangan sa mga ganyan hinihiritan ng "Hindi umiikot sa'yo ang mundo!"
- Pag nasa office ka at nakita mo ang kaaway mo na sumisipsip sa boss niyo, magparinig ka ng "Bakit may linta dito sa office?" sabay hampas mo sa table para kunwari pinapatay mo yung linta pero sa loob-loob mo lang yung kaaway mo ang hinahampas mo!
- Kung may inuutos sayo ang Boss mo pero kaya naman niyang gawin yun hiritan mo ng "Ano na lang mangyayari sayo kung wala ako?"
- Kung may ka-officemate kang MAYABANG, hayaan mo lang siyang magyabang... Huwag mo siyang pansinin tatahimik din yan!
- Kung marami kang ginagawa at nakatunganga lang ang officemate mo paringgan mo ng "buti pa ang ibang tao nagpapaka-busy yung iba dyan papetiks-petiks lang!"
- Kung insecure ang officemate mo sa'yo, magkuwento ka lang ng magkuwento para lalo siyang mainsecure sa'yo!
- Kung may nagtanong sayo kung sino at ano ang trabaho mo, hiritan mo ng GOOGLE ME!
- Huwag kang makipagplastikan kahit kanino, kung asar ka sa kakilala mo, ipakita mo!
- Kung may ginawang kasalanan sayo ang isang tao smile ka lang pero huwag mo itong kalilimutan dahil gaganti ka sa kanya in the near future.
Ang librong ito ay mura lang, nagtipid sa papel (yun pala puting papel yun na mukhang makaluma) ngunit masasabi ko sulit ang tawa at ang mga leksyon na natutunan ko. Kay Mr. Stanley Chi, isa kang tunay na karapat-dapat sa larangan ng pagsusuplado at pagsusulat at isa ka sa naging inspirasyon ko kaya ipagpapatuloy ko ang pagsusulat. At magkakaroon na ng sequel ang Suplado Tips na maganda ang papel ngunit nakakatawa at masaya pa rin ang mga hirit! At sa susunod na book launch ni Stanley Chi pupuntahan ko na talaga ito!
No comments:
Post a Comment