Sunday, October 14, 2012

Engrandeng Gala sa Puso ng Timog Katagalugan

"Ano kayang mangyayari bukas sa solo kong gala?"

Tumunog ang alarm clock ni Brett ng alas-singko ng umaga, hirap pang gumising gawa ng weekend pagod dahil sa trabaho. Pero ito ay naiibang araw para sa kanya kaya dali-dali siyang bumangon at nag-ayos ng sarili. Subalit kakaunti lamang ang kinain niya na almusal pero marami siyang baon sa kanyang shoulder bag: dalawang piraso ng chicheria at candy pero dala nya ang talaarawan, digital camera, mga baterya, mga towel, mga bolpen na may kulay pula at itim, mapa, pocket money at ang Bibliya. Nakaayos na ang lahat kay Brett kahit sa pananamit niya.

"Anak, may nakalimutan ka ba?" tanong ni Claire, ang ina ni Brett.

"Wala naman po. Lahat kumpleto na" ang sagot ni Brett.

"Naku, di ka pa nag-aalmusal kailangan mo munang kumain" nag-aalalang pinaalalahanan ni Claire ang binata.

"Ma, ako na po ang bahala. Busog pa po ako" ang sabi ng anak.

Maya-maya pa ay umalis na ng bahay itong si Brett patungo sa kanyang destinasyon. Kahit parang hindi nag-almusal itong si Brett pero alam niya ang direksyon na kanyang pupuntahan. Sumakay ng tricycle at bago sumakay ng jeep, hinanda ni Brett ang kanyang pera pambili ng almusal sa isang fast food chain para take out. Pagkatapos noon ay sumakay siya ng jeep mula sa Cavite patungong Calamba na sakop ng Laguna. Mabilis lang naman ang takbo ng biyahe at nakarating siya sa Calamba sa loob ng mahigit 45 minuto.

Mula sa Calamba ay nagdesisyon na si Brett na puntahan ang unang bayan.

Nagtanong siya kay Manong Driver, "Manong saan po papuntang Victoria"

Sumagot itong si Manong, "Sakay kayo papuntang Santa Cruz"

"Salamat po!"

*** *** ***

At sumakay na si Brett sa jeep patungong Santa Cruz. Natagalan pa ang biyahe niya bago makarating sa kanyang patutunguhan dahil traffic sa Los Banos at tumitigil ang jeep sa bandang Bay para kumuha ng mga pasahero. At napuntahan na niya ang unang bayan na kanyang bibisitahin. Tumigil siya sa junction kung saan makikita ang mga makukulay at naglalakihang mga pato at itik, ang maliit na bayan ng Victoria. Nakita niya ang mga naglalakihang mga istatwa ng itik gayundin ang mga pato sa isang duck farm na malapit sa tabi ng lawa.

Mula sa Victoria, sumakay siya ng jeep patungong Santa Cruz. At nasakyan niya ang jeep ay isang kakaibang driver. Kumbaga ito ang pakiramdam niya noong unang beses na makakita ng babaeng jeepney driver. Sa kasong ito, isang Amerikanong driver ng jeep na nagngangalang Carter ang bumungad sa kanya. Umupo siya sa tabi ng driver. Nagulat siya at sinabi ni Brett sa kanyang sarili "Wow! Isang foreigner na nagmamaneho ng jeep!" Ngumiti ang driver sa kanya at nagmamaneho siya ng jeep patungong Santa Cruz. At maraming tinanong si Brett.

"How long did you stay here in the Philippines?" tanong ni Brett.

"I am staying here for two years and I am living with my Filipina wife who lives here" sagot ni Carter.

Manghang-mangha na parang nabigla si Brett kahit siya ay nagtatanong pa rin. Kumbaga ito ang pakiramdam niya na ang isang dayuhan ay nagtatrabaho bilang isang jeepney driver na ginagawa ng mga ordinaryong tao.


Habang bumibiyahe, narating nila ang bayan ng Pila. Nakita nila sa bayan na ito ang mga lumang bahay na ginawa pa noong panahon ng Espanyol at ang plaza na may pagkakatulad noong panahong iyon. Tuloy-tuloy pa rin ang kuwentuhan ng dalawa noong panahong iyon. At ang ibang mga pasahero sa dyip, kahit kakaunti lamang sila ay mayroong nakikinig sa usapan nila. May natutuwa at meron naman na walang pakialam.

"These heritage houses are made since the Spanish period, as well with the plaza where the church and the town hall are near to each other which represent the unity of State and Church. I learned that in our History subject when I was in high school and college" binahagi ni Brett ang kanyang kaalaman kay Carter.

"Yup, that is why I love living here because the Philippines is such a beautiful country and it is rich in culture" ang sagot ni Carter.

"By the way, why did you chose to drive a jeepney aside from managing a business" muling nagtanong si Brett.

"This is a temporary job while waiting for an opportunity because I want to work hard for my family and to support my wife who is working in Manila as Sales Supervisor as well with my two kids" pinagmamalaking sagot ni Carter.

"Wow! Your such a hardworking person. Your such an inspiration to us because you can do that kind of job as a foreigner but I can't do that" paghangang sinagot ni Brett.

Natuloy pa ang kuwentuhan ng dalawa at napag-usapan kung ano ang buhay niya sa Pilipinas at kitang-kita naman na masaya itong si Carter sa kanyang ginagawa bilang driver. Pagdating ng Santa Cruz, tuluyan nang naghiwalay ang landas ng dalawa.

"Bye! See you next time. Keep up the good work" At nakipagkamayan itong si Brett sa Amerikanong jeepney driver.

"Thanks! Nice meeting you also!" ang sinabi ni Carter.

*** *** ***
Alas-diyes pa lang ng umaga, sulit na ang biniyahe ni Brett. Mula Santa Cruz, sumakay siya patungong Nagcarlan. Mahigit 30 minuto ang kanyang hinintay bago makarating sa Nagcarlan. Mahaba-haba ang biyahe hanggang narating niya ang Nagcarlan. Habang bumibiyahe patungong Nagcarlan, nakaidlip si Brett sa biyahe dahil napansin niya ang Manong na natutulog sa biyahe. Hindi pa naibibigay sa kanya ng Manong Driver ang sukli kaya hawak din niya ang wallet. Hindi niya namalayan na nawalan na siya ng pera. At paggising niya at bumaba siya sa bandang Pagsanjan dahil nawalan siya ng pera.

"Nakita nyo po ba ang pitaka ko? Hawak ko po siya habang hinihintay ko po yung sukli" nag-aalalang sinabi ni Brett. Ngunit di makasagot sa kanya ang mga pasahero at napansin niya na bumaba na ang matandang lalake na katabi niya sa jeep.

Salamat na lamang at mayroon pa siyang natitirang 800 sa secret pocket at ang mga mahahalagang dokumento ay di niya dala lahat.


Sa Nagcarlan niya nakita ang isa sa mga lumang simbahan sa Laguna, ang St. Bartholomew Church. Pumasok siya sa lumang simbahan at nakita niya ang isang matandang babae na naglilingkod sa simbahan.

"Ay papasok po ba kayo dito?" tanong ng matandang babae.

"Opo. Ano po bang meron sa simabahan?" tanong ni Brett.

"Isa ito sa pinakaluma at pinakamagandang simbahan sa Laguna. Lalo na kung aakyat ka sa kampanaryo ng simbahan. Makikita mo ang tanawin ng buong Nagcarlan gayundin ang Bundok Banahaw" sagot ng ale.

Nagsimula nang puntahan ni Brett ang nasabing kampanaryo. Sa una mukhang madali lang pero noong akyatin na niya ang pinakamataas na bahagi ng kampanaryo kung saan nandun ang kampana, medyo nahirapan siyang dumaan dahil ang hagdan ay gawa lamang sa kahoy at lumang-luma na ito. Natatakot siya baka biglang bumagsak siya. Ngunit, matagumpay niyang narating ang pinakamataas na bahagi ng kampanaryo at nakita nga niya ang bayan ng Nagcarlan mula sa kampanaryo.


Sunod niyang pinuntahan ang Nagcarlan Underground Cemetery. Malapit lang ito sa simbahan at nakapasok siya sa nasabing lugar. Naroon ang isang tour guide mula sa isang ahensya ng gobyerno. Ikinuwento ng tour guide ang kasaysayan ng Underground Cemetery, pero natatakot si Brett na pumasok sa loob ng sementeryo. Nasa ilalim pa ito ng kapilya at madilim ang lugar. Siya lang ang mag-isang turista noong oras na iyon. Pumasok siya at nawala din ang kanyang takot. Pinagmamasdan niya ang nasabing sementeryo at kakaunti lang pala ang nakalibing dito. At may napansin siyang parang isang pader na parang pintuan. Pinaniniwalaan kasi na may lagusan patungo sa simbahan ang nasabing sementeryo.

*** *** ***

Sa Nagcarlan, nagtext kay Brett ang kanyang ina. "Anak, bili ka ng lanzones at rambutan kahit tig-isang kilo" At mukhang pumayag naman si Brett sa pabor ng kanyang nanay. Pumunta siya sa susunod na bayan ang Liliw kung saan makakabili siya ng mga lanzones at rambutan. Pero parang gusto niyang unahin ang bayan kung saan makakita siya ng talon o waterfalls. Sumakay siya ng jeep patungong Liliw at mula doon ay sumakay siya ng tricycle patungong Majayjay.

Pagbaba ng tricycle, bumaba siya at tiningnan ang simbahan ng Majayjay. Masyado itong malaki at mataas pero magandang simbahan. Isa ito sa mga pinakalumang simbahan na ipinatayo sa Pilipinas. Mula sa plaza, pinuntahan niya ang isang lugar na pinaniniwalaang produkto ng sapilitang paggawa, ang Tulay Pigue. Masyadong madamo ang lugar at madulas ang daanan dahil umulan noong panahong iyon. Naging tour guide ni Brett ang isang walong-taong gulang na bata.

"Tara po pupunta po tayo sa Tulay Pigue" ang pag-imbita ng bata. Tahimik niyang pinagmamasdan ang bata at marami siyang sugat sa mukha. Nakita rin niya ang kanyang ama na umiinom lamang ng alak kasama ang kanyang mga kaibigan. Nais sanang tanungin ni Brett pero sa loob-loob niya baka mapahamak pa siya. Dahil sa madulas ang daan patungo sa tulay at malapit na rin ito sa bangin, nagtanong si Brett "May ahas ba dito?" at sinagot niya "Kapag tag-init po" Idinagdag pa ng batang lalake "Kapag nakarating na po kayo sa tulay, makikita niyo na po yun taludtod at makakarating na po kayo sa ibang barangay at bayan." Sinubukan niya na dumaan sa nasabing tulay at sobrang liit ng daanan nito, kasya lamang ang iisang tao. Noong natapos na ang pagpunta sa tulay, binigyan ni Brett ng pera ang bata. (Pero sana nasa mabuting kamay ito at di kunin ng mga nakakatanda sa kanya na nang-aabuso lamang sa kanya). Nagpasalamat ang bata at alam niya na magagamit niya ito bilang baon.

Bumalik siya sa bayan at pinuntahan na ang sinasabing Taytay Falls. Sumakay si Brett ng tricycle at mahaba-haba ang biyahe at napansin na lang ang tricycle driver na nagkrus dahil dadaan kami sa bituka ng manok. Parang roller coaster ang biyahe sa Majayjay. Pataas-pababa. Maliit ang daaanan. Pakurba. Bangin na ang nakapaligid. Nagdasal din ako na sana ligtas ang biyahe namin. Dahil sa sobrang takot. Narating rin niya ang Taytay Falls pagkatapos ng mahaba-habang biyahe patungo sa paanan ng Banahaw at isang mahabang canopy walk sa liblib na kagubatan. Sulit din ang pagod pero di ako naligo. Nabighani siya sa simpleng kagandahan talon at ang malinaw at malinis na tubig nito na dumadaloy mula sa Banahaw.

*** *** ***

Alas-tres ng hapon, pumunta na siya sa bayan ng Liliw pagkagaling ng Majayjay. Marami nang tao doon at namili ako ng tig-isang kilo ng rambutan at lansones. Namili din si Brett ng isang pares ng tsinelas at isang bayong dahil marami na akong dalang mga produkto galing ng Laguna. Ito din ang unang beses na namalengke si Brett sa buong buhay niya. Nasanay siya kasi na lagi ang nanay niya ang namamalengke. At ang hamon pa dito ay dapat 300 piso lamang ang budget niya. Pagkatapos mamalengke ay pumunta siya sa simbahan ng St. John the Baptist Church kung saan siya nagdasal ng pasasalamat sa ligtas na biyahe. Nagtungo siya sa isang bantog na kainan sa Liliw. Mula doon, sumakay na siya muli ng jeep patungo sa kanyang huling bayan na kanyang pupuntahan ngayong araw.


Nakarating siya sa Magdalena. Pinuntahan niya ang sentro ng bayan sa Magdalena. Nakita niya ang simbahan ng St. Mary Magdalene Church at pinuntahan niya ang lugar kung saan makikita ang bolo at sumbrero ni Emilio Jacinto na may bahid ng kanyang dugo. Nalaman din niya na ito ang Little Hollywood of Laguna dahil dito ginanap ang ilan sa mga lokasyon ng mga lumang pelikulang Tagalog. Bumaba sa isang bantog na bakasyunan. Tiningnan niya kung may tao at nakita nga niya ang dalawang kabataan na doon papunta.

"Magandang hapon po! Saan po kayo papunta?" magalang na tanong ni Brett.

"Papunta kami sa isang museong bahay doon. Tara sama ka sa amin" ang sagot ni Caitlin, isa sa mga kabataang pupunta sa nasabing museo.

Sumama si Brett at doon niya nalaman na magkakaroon ng pagpupulong sa nasabing lugar. Si Caleb, isang youth leader mula sa Liliw ay nagkuwento ng maraming bagay tungkol sa kasaysayan ng Laguna. Nang napasok na nila ang bakasyunan, nakilala ni Brett ang isang ginang na naging saksi ng kasaysayan ng pag-unlad ng Laguna, si Mrs. Ledesma. Noong una ay natatakot si Brett sa pagkikita ng nasabing ginang.

"Magandang hapon po!" ang pagbati ni Brett na medyo kinakabahan.

"Magandang hapon rin sa iyo, iho. May maipaglilingkod ba ako?" ang magalang na tanong ng Mrs. Ledesma.

Tumahimik siya. "Tara, libutin natin ang buong bahay" ang pagyayaya ng nasabing ginang.

Nilibot nila ang buong tahanan. Maraming naikuwento ang nasabing ginang tungkol sa panungkulan ng mga nakaraang gobernador at natutuwa siya sa katotohanan na binisita ni Brett ang lalawigan para matuklasan ang kultura at mga magagandang tanawin dito. Sa bandang huli may naibigay na liham ang nasabing ginang at nagbigay si Brett ng isang woodcraft mula Paete bilang alaala na sila ay naging magkausap sa loob ng maiksing panahon.

"Alam mo iho, nagpapasalamat ako na pinuntahan mo ang aking tahanan. Ang bahay na ito ay naging saksi ng kasaysayan sa loob ng mahigit tatlong dekada. Naging saksi ito ng pag-unlad sa lalawigan. At napanatili namin ang likas na yaman sa bayan kahit may mga nag-alok sa amin gawin itong urban na bayan" ang pagbabagagi ni Mrs. Ledesma.

"Wala naman pong anuman. Alam nyo po, marami po akong natutunan at nadiskubre sa bayan na ito. Masarap balik-balikan dahil sa yaman ng kultura at mga magagandang tanawin. Dito rin po ako natutong magtangkilik ng mga produktong sariling-atin at marami po nito sa Laguna. Sa uulitin po makakabisita po ako diyan" ang sagot ni Brett sabay nakipagkamay siya sa nasabing ginang at sa dalawang mga youth leaders.

Sumakay na si Brett sa jeep na maraming baon na pasalubong at mga alaala na babaunin niya sa kanyang pamamasyal sa Laguna.

*** *** ***
Tapos na ang pamamasyal ni Brett at nagdesisyon na siyang umuwi. Habang pauwi patungo sa kanilang tahanan, marami siyang natutunan sa paggagala na iyon. Marami siyang nakilalang mga bagong kaibigan. Doon siya unang natutong namalengke sa kanyang sarili. Naging handa kahit nawalan siya ng pera at kalmado siyang hinarap ang sitwasyon.  Higit sa lahat, natuklasan niya ang kasaganahan ng kultura at likas na yaman sa puso ng Katimugang Tagalog, ang bayan ng Laguna.

Kinagabihan, pagkauwi niya sa kanilang tahanan, maraming dalang mga pasalubong si Brett para sa kanyang nanay at sa buong pamilya ganun din naman ang mga kuwento na laging maaalala ni Brett. Kaya sa susunod muli na paglalakbay!

Ito ang aking pangalawang lahok sa Saranggola Blog Awards 2012 sa kategoryang Maikling Kuwento.

Ang Saranggola Blog Awards





No comments:

© 2011 No copyright infringement intended. All rights reserved.